LIFESTYLE
Freeway X BenCab National Artist Collection launched
TENNIS
Review: Babolat Propulse 4
TRAVEL
#WhyILove Cathay Pacific Premium Economy
TRAVEL
Mirabell Palace and Gardens in Salzburg
Photography
On jewellery (or jewelry) photography
DEX N MUT: BEST BULALO IN TOWN
Bulalo with rice all you can
Posted by Dexter Matilla - - 3 comments


Ipinanganak si Cookie noong Hunyo 10, 2011—tatlong araw bago ang aking kaarawan—kasabay nina Chuckie at ng kapatid nilang babae na hindi ko na napangalanan dahil siya’y dinala sa aming probinsiya sa Bicol bago pa man nila maimulat ang kanilang mga mata. Makailang araw din na nanatiling sarado ang mga mata ng tuta ko, kung kaya’t nanatili silang umaasa sa kanilang ina, sa kanilang mas nakakatandang kuya Sparkle, sa akin, at sa mga kasama ko sa bahay para sa proteksiyon at pag-aaruga.

Kahit pa man wala silang nakikita, kapansin-pansin na na malapit sila sa isa’t-isa. Malambing ang magkakapatid at tuwing matutulog, nais nila na magkakalapit sila at minsan ay magkaka-yakap pa.


Kahit pa naglakbay na ang kapatid nilang babae patungo sa probinsiya, ganoon pa din ang dalawa. Ngunit mas naging malapit kame kay Chuckie dahil sa kaniyang katabaan. Tuwang tuwa kami tuwing siya’y naglalakad dahil para bang hirap na hirap ito at napapagewang-gewang pa. Samantalang si Cookie naman ay hindi namin gaano nalalaro dahil mas nainis pa nitong magsiksik sa mga sulok o kahit saan basta magkakasya siya.


Nang ibinigay ko na si Chuckie kay Shiela, noon lamang nagsimulang maging malapit sa akin si Cookie. Napansin ko na habang ang balahibo ni Chuckie ay napakaputi, si Cookie naman ay mas malapit ang hawig sa ina na may mga bakas ng kayumanggi.

Mabait si Cookie, mabilis maglakad, at mabilis din matuto. Hindi lumalampas ang araw na hindi ko siya nilalaro at kapag hindi ko siya makita, ang lage ko na lang banggit ay “nasaan na si Cookie?” Madalas nasa likod lamang pala ng bahay, naghihintay ng pagkain.

Dahil sa sobrang tuwa ko sa kaniya, sinubukan ko na bulungan si Cookie ng isang hiling. Isang bagay na hindi ko pa nasubukan sa aking ibang mga aso. Sabi ko sa kaniya isang beses, “Cookie, bawal ka lumaki ha. Ganiyan ka lang.” Sa mga sumunod pang araw, sinabi ko it okay Cookie paulit-ulit, marahil na rin siguro sa magkahalong paniniwala at pagnanais ko na maaring maging posible nga ito.

Hindi kalaunan, natuto lumabas si Cookie sa butas ng gate ng aming bahay. Kahit pa lagyan ko ng harang na mga bato ang butas, naitutulak pa din ito ni Cookie kung kaya siya ay nakakalabas at malayang nakakagala sa kalsada. Lalo pa kapag aalis ako dahil nais niyang sumunod palagi. Tuwing papagalitan ko siya dahil sa kaniyang paglabas, bigla na lamang siya uupo o kung kaya naman ay dadapa at mananahimik. Natural, mawawala galit ko at lalaruin ko siya uli at sasabihan na lamang na huwag lumabas. At naniniwala ako na sinusunod niya ako dahil sa tuwing pag-uwi ko, palagi ko siyang nadadatnan na naghihintay sa akin sa pinto—ubod ng saya at handa na muling makipaglaro.


Alas-kuwatro ng Agosto 24, 2011, gising pa din ako. Hindi ako makatulog buong gabi sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nagbasa na ako, nagbuhat, nanood ng kung ano-ano ngunit wala pa din. Hindi ko na namalayan kung anong oras ako nakatulog. Alas-onse ng umaga, mabilis ako bumangon at hindi pa man gising ang aking diwa, ang unang narinig ko sa aking paglabas ng silid ay, “wala na si Cookie… nasagasaan.”

Nagmamadali ako bumaba upang hanapin si Cookie dahil para sa akin, hindi iyon totoo; isa lamang itong panaginip; ang samang biro naman; teka, nasaan si Cookie?

Itinuro sa akin ang bakanteng lote sa tabi ng bahay naming at sinabing doon, sa ilalim ng lupa, nakalibing si Cookie. Madaling araw daw malamang nangyari ang masaklap at hindi inaasahang pagpanaw ni Cookie. Nakita pa daw nila si Cookie ng mga alas-singko.

Habang ako, hindi ko na siya nakita uli. Hindi ko na nakamot ang tiyan, ang ulo, ang ilalim ng kaniyang bibig. Hinding-hindi na muli. Napakasakit pa din isipin na wala ako sa kaniyang mga huling sandali. Ang sakit. Ang sakit maisip na baka hinanap pa din niya ako, na baka hindi totoo ang sakit na nararamdaman niya sa mga sandaling iyon, na baka kaya ko mapawi ang napakatotoong sakit na iyon.

Napakasakit na wala ako nang siya ay ilibing. Na sana man lang kahit ipinaubaya na sa akin ang sandaling iyon.

Hindi ko na napigilan ang umiyak sa loob ng 48 oras mula nang kuhanin sa akin si Cookie ng isang walang puso na sa ngayon ay hindi ko malalagyan ng mukha o pangalan. Sa iyo na naramdaman ang katawan ni Cookie na nadurog sa ilalim ng malupit na gulong ng iyong sasakyan, gaano ka kawalang-puso na hindi mo man lang naisipan na magdahan-dahan? Hindi mo kailangan magpatakbo ng mabilis dahil maliit lamang ang daanan. Kung nagmamadali ka, para saan? Napaka-aga ng panahon, hindi ito kailangan.

Ngayon, sa ikatlong araw ng kanyang pagkawala, namumuo pa din ang luha sa aking mga mata sapagkat hindi ko pa din maiwasang malungkot. Nandito muli si Chuckie sa amin at hindi maikakaila na ako ay kaniyang napapasaya. Subalit hindi ko pa din maiwasang isipin kung gaano sana kasaya kung nandito pa din si Cookie at muli, silang dalawa, kaming tatlo, ay magkakasama.

Napakasarap isipin na lalaking masigla sana si Cookie at makakasama namin sa mga darating na taon. Hindi siya basta-bastang aso na walang nagmamay-ari, na walang nagmamahal. Sa mahigit dalawang buwan na kasama namin siya, wala siyang idinulot kung hindi saya.


Ngunit ninais ko na manatiling maliit at mala-sanggol si Cookie…

…at ngayon, mananatili na siyang isa.



3 Responses so far.

  1. Anonymous says:

    I feel for you Dexter. I lost one of my dogs too a few years back. I was already at the office when they told me that my dog had suffered a heart attack before they got her to the vet. I went straight home while crying inside the cab. I wrote an article for my dog too and whenever I read it, I still cry. In fact, I feel like crying while writing this comment because I know how hard it is to lose such a treasure. I'm sure that your puppy has brought you more than just happy memories but also lessons learned. They always do.

  2. DX says:

    maraming salamat kapatid. and yes, it's true that Cookie was such a treasure and in my heart, will continue to be. for the few days that Chuckie returned, I still wanted to have Cookie back. Cookie was really sweet and the joy i feel whenever i see him is something i've never felt before. i already lost an adult dog once before but i didn't really feel sad at the time but with Cookie, i still do.

Leave a Reply

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Most Read

Recent Posts


Wilson Juice 100 Playtest

Recent comments

Get Recent Comments Widget
Twitter Bird Gadget